
Pangakong Napako, Pangarap ay Naglaho
Oktubre 20, 2026
Sa bansang ating ginagalawan, tila umaapaw ang mga kaganapan na patuloy na gumagambala sa mga Pilipinong tahimik na namumuhay, at payapang gumagabay sa kanilang mga pamilya. Kasabay pa rito ang pag apaw ng bahang tila walang katapusan. Ngunit sa likod ng mga masalimuot na suliraning ito, may mas malalim na tanong ang gustong hanapan ng sagot ng iilan— sino ngaba ang may matinding pananagutan sa krisis na ito?
Habang patuloy na lumulubog ang mga pangarap ng marami, libo-libong pera at kapangyarihan naman ang patuloy na dumadaloy sa bulsa ng mga matataas na opisyal. Araw-araw na nagdurusa ang mga pilipino sa pag-agos ng tubig sa kanilang mga tahanan, mga kabataan na hindi na nagkakaroon ng akses sa kalidad na edukasyon dahil sa patuloy na suspensyon ng klase, at mga mamamayang nawawalan ng trabaho dahil sa patuloy na pagtaas ng baha.
Ang ugat ng suliranin na ito ay hindi ang natural na kalamidad— kundi ang kapabayaan at iresponsableng pamumuno ng may kapangyarihan. Ang libo-libong buwis na galing sa mamamayan na dapat sana ay para sa ikabubuti ng bayan ay napupunta na lamang sa kamay ng mga mapang-abuso.
Sa huli ang mga suliraning ito ay magbibigyang lunas natin sa paraan ng pagsulong ng mga adbokasiya na naglalayon na iparating sa mundo na ang pagbabago ay magmumula sa atin— sa pagpili ng maayos at responsableng pinuno, at pag-iwas sa masyadong pag-asa sa mga pangakong hindi natutupad o nabibigyang halaga.