

Mga Bayaning Manggagawa
Ni: Carlene Kate Manaban
Oktubre 20, 2026
Para saan ba tayo bumabangon? may mga taong maagang gumigising upang maghanapbuhay, magtaguyod ng pamilya, at nagsisilbing haligi ng ating lipunan. Sila ang mga manggagawang walang sawang nagsisikap sa kabila ng pagod, hirap, at mga pagsubok ng buhay. Mula sa mga magsasaka at mangingisda hanggang sa mga guro, nars, drayber, tindera, at manggagawa sa mga pabrika, bawat isa ay may mahalagang papel sa pag-unlad ng ating bansa.
Sila ang mga tunay na bayani na nararapat kilalanin at pahalagahan. Tuwing ika-1 ng Mayo, ipinagdiriwang ang Labor Day o Araw ng Paggawa sa Pilipinas. Ang araw na ito ay hindi lamang pagkakataon upang bigyang-pugay ang mga manggagawa, kundi isang paalala rin sa kahalagahan ng kanilang mga karapatan, sakripisyo, at ambag sa lipunan. Ito ay simbolo ng pakikibaka para sa makatarungang sahod, maayos na kondisyon sa trabaho, sapat na benepisyo, at pantay na oportunidad para sa lahat. Ngunit sa likod ng bawat ngiti ng isang manggagawa ay may kuwentong puno ng pagsubok. May mga magulang na pumapasok sa trabaho nang maaga at umuuwi nang gabi upang may maihain sa hapag-kainan. May mga manggagawang nagtitiis sa pagod at panganib upang matustusan ang pangangailangan ng kanilang pamilya.
May ilan ding nagtatrabaho nang maraming oras ngunit patuloy na nakararanas ng kakulangan sa kita dahil sa tumataas na presyo ng mga pangunahing bilihin. Sa kabila ng kanilang pagsisikap, marami pa rin ang nangangarap ng mas maayos at marangal na pamumuhay. Sa pagdiriwang ng Labor Day, hindi sapat ang simpleng pagbati at pagkilala sa mga manggagawa. Higit na mahalaga ang pagkilos upang matiyak na naipagtatanggol ang kanilang mga karapatan at napahahalagahan ang kanilang kontribusyon. Tungkulin ng pamahalaan na magpatupad ng makatarungang mga batas sa paggawa, ng mga employer na pangalagaan ang kapakanan ng kanilang mga empleyado, at ng bawat mamamayan na igalang ang anumang marangal na hanapbuhay.
Ang tunay na diwa ng Araw ng Paggawa ay hindi lamang makikita sa mga programa, parada, o talumpati. Makikita ito sa bawat manggagawang nakatatanggap ng sapat na sahod, sa bawat pamilyang may maayos na pamumuhay, at sa bawat taong nakakapasok sa trabaho nang may dignidad at nakauuwi nang ligtas sa kanilang tahanan. Ang bawat pawis ay may katumbas na halaga, ang bawat sakripisyo ay nararapat kilalanin, at ang bawat manggagawa ay may karapatang mabuhay nang marangal. Sa araw na ito, ating itaas ang ating mga kamay bilang pagpupugay sa mga taong patuloy na lumalaban para sa kanilang pamilya at sa kinabukasan ng bayan. Sapagkat ang isang bansang tunay na umuunlad ay hindi lamang nasusukat sa yaman nito, kundi sa kung paano nito pinahahalagahan sa mga kamay na patuloy na lumilikha ng kaunlaran.