
Nobyembre 6, 2026
Ang Pasko ay kay saya kung kayo’y kapiling na…
Pangangamba. Pangungulila .Pag-asa. ng ako’y lumabas sa aking silid at ng malanghap ko ang simoy ng hanging amihan at may pananabik sa paparating na kapaskuhan, pinagmamasdan ko ang mga nangingibabaw na ngiti sa mga labi ng aking kapwa Pilipino, at sa bawat padyak ko may mga batang humihiyaw at namamasko. “Ate Carlene” ani ng batang sabay binalot ako ng matamis na yakap, “Malapit na ang pasko! Natutuwa ako marahil ito’y pinakahihintay ko!’. Napangiti ako dahil alam naman nating lahat na ang pagdiriwang ng pasko ay pinahahalagahan dahil pinagbubuklod nito ang ating mga puso sa iisang diwa.
Gayunpaman, sa kabila ng saya at pananabik na ating nadarama sa dala ng kapaskuhan, hindi matatakasan ang mga krisis na hinaharap ng bawat mamamayang Pilipino. Kagaya lamang ng kahirapan, kawalan ng hanapbuhay at patuloy na pagtaas ng halaga ng mga pangunahing pangagailangan at samu’t saring suliranin na nagpapasidhi sa paghihirap at pamumuhay.
Bilang isang Pilipino na kinakatawan ang pagpapanatili ng pusong marunong makiramay, lubos na nagmamalasakit at patuloy na pinipiling maghandog ng tulong sa kapwa, Nangungulila ang aking kaluluwa habang nababalot ang aking isipan sa kalagayan ng mga pamilyang lubusang nagmamahalan ngunit dahil sa kahirapan hindi nila taos- pusong madarama ang ligaya at diwa ng kapaskuhan. Nadudurog ang aking puso tuwing napagmamasdan ko ang mga pamilyang nais ding maghanda, magsalo-salo at magbigay ng munting regalo sa mga minamahal subalit hinahadlangan ng kakulangan sa salapi at pangangailangan.
Ngunit tayong mga Pilipino ay may katatagan ng loob, at may walang sawanh pagmamahal lalo na sa Diyos. Likas sa atin na, gaano man kabigat ang mga pagsubok sa buhay, nananatili parin ang mga ngiti sa ating mga labi at kinang sa ating mga mata na siyang sumisimbolo ng pag-asa. Nawa’y napapanatili natin ito, dahil nandito ang tunay na ligaya sa pasko. At sana pagsapit ng Pasko, kayo’y naririto…