
Gamot sa Raketa, Kalusugang Humihina

Nobyembre 13, 2026
Sa bawat laro, nangangailangan ito ng lakas, bilis, at higit sa lahat, patas na laban. Sa patuloy na pagdami ng mga palakasan sa mundo ng isports, tila dumarami rin ang gumagamit ng mga ipinagbabawal na gamot at sangkap na nagpapahusay sa kanilang pisikal na pagganap. Ngunit paano kung ang ipinagbabawal na gamot na para sa kanila ay nagpapalakas ay siya palang unti-unting humihila sa kanila pababa?
Karamihan ay gumagamit ng mga ipinagbabawal na gamot upang manalo, lumakas sa laro, at ang iba naman ay upang maghari sa korte. Ngunit hindi sa mga nabanggit nasusukat ang tunay na kakayahan ng isang atleta. Mas nasusukat ito sa kanilang determinasyon, disiplina, at husay kahit walang tulong ng mga ipinagbabawal na pampalakas.
Hindi maikakaila na ang paggamit ng mga ipinagbabawal na sangkap ay nagdudulot ng panganib sa kalusugan. Sa halip na makatulong sa kanilang pagganap, maaari itong magdulot ng pinsala sa kanilang kalusugan. Ang panandaliang lakas na kanilang nakukuha ay maaaring maging kapalit ng pangmatagalang kalusugan. Higit pa rito, nawawala ang tunay na diwa ng paligsahan kapag ang tagumpay ay nakakamit sa pamamagitan ng pandaraya.
Ang larangan ng palakasan ay hindi lamang tungkol sa pagkuha ng medalya, tropeo, o pagkilala. Ito ay tungkol sa pagpapakita ng kakayahan, pagtanggap sa pagkatalo, at paggalang sa kapwa manlalaro. Hindi kailangang isakripisyo ang kalusugan para lamang makamit ang tagumpay na panandalian lamang.
Kaya naman, nararapat na paigtingin ang pagsusuri sa mga atleta, ipatupad ang mahigpit na mga patakaran laban sa paggamit ng ipinagbabawal na gamot, dapat magkaroon ng drug testing sa bawat kalahok o manlalaro at palawakin ang edukasyon tungkol sa masamang epekto nito. Mahalaga ring gabayan ng mga tagapagsanay, paaralan, at organisasyong pampalakasan ang mga atleta upang piliin ang ligtas at makatarungang paraan ng pagsasanay.
Sa huli, ang tunay na kampeon ay hindi nakikilala sa lakas na dulot ng ipinagbabawal na gamot, kundi sa pawis, tiyaga, at disiplinang inilaan sa bawat laban. Sapagkat walang saysay ang medalya kung kapalit naman nito ang kalusugan. Mas mabuting matalo nang malinis kaysa manalo sa paraang hindi patas.
Sa bawat hampas ng raketa, piliin ang kalusugan, hindi ang ipinagbabawal na pampalakas!

Nobyembre 13, 2026