
DSPC 2026, Opisyal na Pinasinayaan
TANJAY, Pilipinas— Opisyal na binuksan ang taunang Division Schools Press Conference (DSPC) na may humigit-kumulang 900 na kalahok sa temang “Voices of Valor: Amplifying Youth Perspectives for Community Transformation” nitong araw ng Huwebes, ika-12 ng Nobyembre, taong kasalukuyan na ginanap sa loob ng bulwagan ng Tanjay National High School (TNHS).
Sinimulan ang pambungad na palatuntunan ng DSPC 2026 sa pagkanta ng pambansang awit ng Pilipinas, sinundan ng isang panalangin, at kalauna’y sinundan din ng pagkanta sa Tanjay City hymn, Tanjay City Division hymn, at Bagong Pilipinas hymn.
Matapos ang mga pagkanta, ipinakilala na ng tagapagdaloy ng programa ang kaniyang sarili kasabay ng pagpapakilala sa bawat personalidad sa likod ng naturang kompetisyon.
Kasunod nito, nagbahagi ng kani-kanilang inspirasyonal na mensahe ang mga personalidad kagaya na lamang nina Education Program Supervisor sa Ingles na si Dr. Charmaine G. Rubio, EPS sa Filipino na si Dr. Josie G. Estrella, at OIC-CID Chief na si G. Adonis A. Torres.
Unang nagbigay ng mensahe si Dr. Estrella kung saan binigyang-diin niya na sa mundong puno ng hindi makatotohanang impormasyon, labis na importante ang responsableng pamamahayag.
Samantala, si Dr. Rubio naman ay sinabihan ang bawat mamamahayag na sila ay inaasahang maging boses ng katotohanan, habang si G. Torres ay pinayuhan ang bawat isa na ang isang mahusay na mamamahayag ay hindi lamang basta sumusulat— sila ang magiging tinig ng katotohanan.
Sa panayam ng mga mamamahayag kina Dr. Rubio at Dr. Estrella, nabanggit nila ang kanilang preparasyon para sa papalapit na Regional Schools Press Conference kung saan pinaplano nila na ang bawat mananalo sa DSPC 2026 ay magkakaroon ng pagsasanay kasama ang iba’t ibang magagaling na School Paper Advisers.
Nang tanungin sila ng mga mamamahayag na magbigay ng mensahe sa mga mamamahayag na takot mabatikos kapag sila’y magsisiswalat ng katotohanan ay sinabi ni Dr. Rubio na “Just do your best. Actually, God gave us different talents and your talent as a Campus Journalist is into speaking and writing, so I believe we are gifted with this talent.”
Sa kabilang banda naman, sinabi ni Dr. Estrella na “Huwag kayong matatakot kung kayo ay nasa katotohanan. If you will not speak for the next generation, then who will?”
“Kayo po ang hope. Sa dinami-dami ng mga fake newsw sa paligid at sa ating mundo, dapat kayo ang hindi fake. Kayo ang totoo,” dagdag pa ni Dr. Estrella.