
Oktubre 1, 2026
Bukas na Usapan, Mas ligtas na Kabataan
Ang kabataan ay kinakain ng mga tukso, lalo na dahil sa kanilang likas na pagkamausisa, at pansamantalang katuparan ng kanilang mga ninanais. Sa murang edad, maaaring habulin ng ilan ang mga bagay na nagbibigay sa kanila ng panandaliang saya, kahit na ang mga ito ay salungat sa kanilang mga pinahahalagahan, moralidad, at mga prinsipyong kanilang pinaniniwalaan.
Dahil dito, may mga pagkakataong nakakagawa sila ng mga bagay nang hindi lubos na pinag iisipan at maaaring hindi maganda ang magiging bunga ng kanilang mga desisyon. Kabilang dito ang maagang pakikipagtalik, paggamit ng ilang ipinagbabawal o mapanganib na sangkap, at iba pang pag-uugaling maaaring magdulot ng masamang epekto sa kanilang sarili at sa kanilang kinabukasan. Ang ganitong mga kilos ay maaaring bunga ng pagkamausisa, impluwensiya, o maging isang paraan ng pagharap sa mga suliranin at mabibigat na damdaming kanilang nararanasan.
Sa ganitong dahilan, mahalagang palawakin ang kamalayan ng kabataan sa pamamagitan ng wastong edukasyon at bukas na pag-uusap tungkol sa mga sensitibong usapin. Ang edukasyong sekswal ay hindi lamang tungkol sa pakikipagtalik; nakatutulong din ito upang maunawaan ng kabataan ang kanilang katawan, mga pagbabago sa kanilang sarili, personal na hangganan, pananagutan, at mga posibleng bunga ng kanilang mga desisyon. Sa pamamagitan ng sapat at wastong kaalaman, nababawasan ang kamangmangan at maling impormasyon na maaaring magtulak sa kanila sa mapanganib na mga gawain.
Bilang bahagi ng pagpapalaganap ng kamalayan, ang Villaflores College ay nagsagawa ng programang “Heart to Heart,” kung saan nabibigyan ang mga mag-aaral ng pagkakataong matuto at magkaroon ng mas malalim na pag-unawa tungkol sa katawan ng tao, mga pagbabagong pisikal at emosyonal na kanilang nararanasan, at iba pang mahahalagang usaping may kaugnayan sa kanilang pag-unlad. Sa pamamagitan ng ganitong programa, nahihikayat ang mga kabataan na maging mas mapanuri, responsable, at may kamalayan sa kanilang mga kilos at pagpapasya.
Sa huli, ang pagkakaroon ng kaalaman ay dapat sabayan ng paggalang sa sarili, pagpipigil sa sarili, at kamalayan sa sarili. Ang tunay na kalayaan ay hindi lamang ang kakayahang gawin ang anumang nais, kundi ang kakayahang piliin ang nararapat kahit may tukso, at ang kakayahang isipin ang magiging bunga ng bawat desisyon bago ito isagawa.

Leave a comment